-- Advertisements --

Hinatulang guilty ang finance officer ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Amanda Estopare dahil sa pagpalsipika ng immigration documents para sa mga miyembro ng sekta na ipinadala sa Amerika ng kanilang founder na si Pastor Apollo Quiboloy.

Naisilbi na ni Estopare ang kaniyang sentensiya subalit kasalukuyang nasa dalawang taong supervised release ng Bureau of Prisons kasunod ng June 20 order mula kay US District Court, Central District of California Judge Terry Hatter.

Sa ilalim ng kondisyon ng kaniyang supervised release, dapat na sumunod si Estopare sa pitong kondisyon kabilang ang pagpayag niya na magsagawa ng US probation officer o law enforcement representative ng paghalugad sa kaniyang properties, sasakyan, bahay, mga dokumento at iba pang personal belongings na nasa ilalim ng kaniyang kontrol.

Ang pagtanggi aniya dito ay maaaring magresulta sa revocation o pagpapawalang bisa sa kaniyang probation.

Pinagbawalan din si Estopare na ikasal sa sinuman para makaiwas sa immigration laws gayundin pinagbawalan siyang magmay-ari, magtrabaho, mag-boluntaryo o makilahok sa anumang negosyo nang walang permiso mula sa kaniyang probation officer.

Minamandato din si Estopare na bigyan ng access ang kaniyang probation officer sa lahat ng business records, client lists at iba pang mga dokumento na may kinalaman sa operasyon ng anumang negosyo na kaniyang pagmamay-ari.

Matatandaan, nauna ng sinentensiyahan ng korte si Estopare kasama ang iba pang kapwa akusado ni Quiboloy na sina Guia Cabctulan at Marissa Duenas. Pumayag na makipagtulungan ang mga ito sa US Attorney’s Office kapalit ng mas magaang sentensiya at pagbasura ng kanilang nalalabing kaso.

Si Estopare ang huling mataas na opisyal ng sekta na nasentensiyahan sa Amerika.