-- Advertisements --

Hindi umano madaling mangyari o extremely unfeasible ang extradition sa Amerika sa nakakulong na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy dahil sa mga kinakaharap nitong kaso sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ng abogado ng pastor na si Atty. Ferdinand Topacio, na kadalasang tinatanggihan ang extradition kung ang isang tao ay nililitis sa kasong kriminal at hinihintay na matapos muna ang paglilitis o maisilbi ang sentensiya sakaling mahatulan.

Subalit maaari pa rin naman aniyang payagan ng hudikatura ang hiling para sa extradition.

Sa ngayon, ayon kay Atty. Topacio, wala pang natatanggap ang kanilang kampo na notice o summons kaugnay ng anumang extradition proceedings, bagamat nakahanda umano silang sagutin ang petisyon.

Iginiit din ng abogado na hindi basta-basta maibibigay si Quiboloy sa Estados Unidos hangga’t hindi natatapos at naresolba ang mga kinakaharap niyang kaso sa loob ng bansa.

Ginawa ni Atty. Topacio ang pahayag kasunod ng hiling ng gobyerno ng Amerika na i-extradite si Quiboloy dahil sa kinakaharap nitong kaso ng sex trafficking at racketeering sa ibang bansa.