Inihatid na umano sa kanilang huling hantungan ang mag-amang Kobe at Gianna Bryant dalawang linggo matapos masawi sa isang helicopter crash sa California.

Batay sa ulat, naging pribado lamang ang seremonya na isinagawa sa Corona Del Mar, California nitong Pebrero 7.

“Vanessa and the family wanted a private service to mourn their loss,” ayon sa source.

“The ceremony was extremely hard for everyone as it’s still hard for them to grasp they lost two beautiful souls.”

Tuloy naman ang idaraos na public memorial sa Pebrero 24 sa Staples Center na siyang home court ng Los Angeles Lakers, na naging koponan ni Kobe sa kanyang 20-year career sa NBA.

-- Advertisement --

Sinasabing simboliko ang nasabing petsa sapagkat mistulang tribute ito sa No. 2 basketball jersey na isinuot ni Gianna at sa No. 24 na ginamit naman ni Kobe bilang miyembro ng Lakers.

Maalalang nasawi sina Kobe, Gianna, at pitong iba pa sa pagbagsak ng sinakyan nilang helicopter sa Calabasas, California nitong Enero 26.

Inaasahang aabutin ng isang taon bago matapos ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.