Inanunsyo ni reality television star Kim Kardashian na pinangalanan nito ang kanyang ikaapat na anak, na isinilang noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng surrogate, bilang “Psalm West.”

Sa kanyang post sa social media, ipinakita ni Kardashian ang litrato ng kanyang anak na nakabalot sa kumot habang nasa crib at may caption na: “We are blessed beyond measure. We have everything we need.”

Si Kardashian at ang kanyang asawang si Kanye West ay mayroong tatlo pang mga anak: Chicago, na ipinanganak din sa pamamagitan ng isang surrogate noong Enero 2018; Saint, 3; at si North, 5.

Una nang sinabi ni Kardashian na napagpasyahan daw nitong gumamit ng surrogate makaraang balaan ito ng mga doktor na magiging mapanganib daw sa kanyang kalusugan sakaling mabuntis itong muli kasunod ng pagsilang nito kay Saint noong 2015.