Posibleng nagagamit si Cavite Rep. Kiko Barzaga ng ilang grupo para sa kanilang makasariling “political agenda,” ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson.
Nakisimpatya rin ang senador sa ina ng mambabatas, si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga.
Ayon kay Lacson, hindi umano magagawa ni Kiko Barzaga ang pagpapakalat ng isang lumang litrato ni Lacson kasama ang mga Discaya kung walang nagbigay sa kanya ng naturang larawan.
Nauna nang pinabulaanan ni Lacson ang mga parinig kaugnay ng larawan kasama ang mag-asawang Discaya, at iginiit niyang kuha ito noong panahon ng kampanya, bago pa man nagsimula ang imbestigasyon hinggil sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Isang supporter mula sa Davao City ang sumama sa mga Discaya upang imbitahan siya sa isang political rally, ngunit tinanggihan ito ni Lacson.
Dagdag pa ng senador, maaaring ang pag-post ng naturang larawan ay may layuning siraan ang Senate Blue Ribbon Committee na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa usapin.