-- Advertisements --

Pormal nang gugulong ang imbestigasyon ng House Committee on Justice kaugnay sa kinakaharap na impeachment complaint ni Vice President Sara Duterte matapos hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema upang pigilan ang proseso.

Kinumpirma ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na plantsado na ang lahat ng paghahanda para sa pagpapatuloy ng pagdinig.

Kasabay nito, inihayag ng mambabatas na nakapila na ang mga pangunahing testigo na ihaharap sa komite, kabilang ang isang Ramil Madriaga na itinuturo bilang umano’y bagman
ng pangalawang pangulo.

Bagama’t umuusad na ang proseso, nilinaw ni Ridon na ang kasalukuyang yugto ay itinuturing pa lamang na isang preliminary investigation at hindi pa isang pormal na paglilitis o trial.

Ayon sa kongresista, tinutupad lamang ng Kamara de Representantes ang eksklusibong mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

Bahagi ng tungkuling ito ang masusing pag-aralan ang mga inihahaing reklamo upang matukoy kung mayroong sapat na basehan o probable cause upang tuluyang isulong ang kasong impeachment sa Senado.

Bukod sa umano’y bagman, inaasahan ding haharap sa mga mambabatas ang iba’t ibang opisyal mula sa mga ahensya ng gobyerno, mga abogado, at iba pang resource persons na may direktang kaugnayan sa mga alegasyon.

Sila ay inaatasang magsumite ng kani-kanilang mga sworn affidavits o sinumpaang salaysay at iba pang dokumentong magsisilbing ebidensya sa imbestigasyon.

Upang matiyak ang pagiging patas ng proseso, binigyang-diin ni Ridon na ang kredibilidad ng bawat testigong sasalang ay dadaan sa matinding pagbusisi.

Ang lahat ng mga inaasahang magbibigay ng pahayag ay isasailalim sa panunumpa upang masiguro na ang kanilang mga testimonya ay nakabatay lamang sa katotohanan at sinusuportahan ng mga matitibay na ebidensya.