Patuloy na tinutugis ng mga kapulisan ang kinakasama ng babaeng biktima na natagpuan sa loob ng refrigerator sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa mga kapulisan, na noong Setyembre 9 ay nag-inquire sila sa may-ari ng apartment na si Daniel Mangulad kung saan interesado umano silang tumira doon.
Sa araw din na iyon ay nagbayad na ang dalawa at agad na lumipat sa lugar.
Matapos ang isang araw ay nagbalik si Mangulad sa lugar para magpapirma ng kontrata subalit walang sumasagot sa katok niya sa telepono.
Bumalik muli ito noong Setyembre 11 at wala pa ring sumasagot at noong nakaraang Setyembre 15 ay napansin niya na may kakaibang amoy mula sa bahay kaya humingi ito ng tulong sa baranay.
Inakala nito na baka mayroong naiwan na karne kaya nangamoy ito subalit pagbukas nila ng apartment ay doon bumungad ang masangsang na amoy.
Nagulat na lamang sila ng buksan ang refrigerator at tumambad ang bangkay ng babae na nakabaluktot at may tali sa leeg.
Sinabi pa ni Rodriguez police chief PLtCol. Arwyn Gaffud na maaaring limang araw ng nasawi ang biktima bago natagpuan ang bangkay.
Maaaring namatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsakal.
Patuloy din na hinahanap ng mga otoridad ang lalaki na kasama ng biktima na hindi na nakita sa lugar matapos ang insidente.
















