CENTRAL MINDANAO- Pormal nang binuksan ang kauna-unahang Local Government run Drug Testing laboratory sa rehiyon 12 sa Kidapawan City.
Pinasinayaan ni City Mayor Joseph Evangelista ang Drug Testing Center ng City Health Office umaga ng August 26, 2020 matapos ang blessing ng pasilidad.
Katuparan ito sa matagal ng hinahangad na magkaroon ng sariling drug testing laboratory ang City Government upang masawata ang problema sa illegal na droga.
Ito na ang kauna-unahang drug testing lab na pinatatakbo ng Lokal na Pamahalaan sa buong SOCCSKSARGEN Region, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Php 200 ang bayarin kung magpapa-drug test sa nasabing pasilidad at required ang lahat na magdala ng valid Identification Card para magpasuri, ani pa ng pamunuan ng Drug Testing Laboratory.
Online na ang sistema ng drug test dahil agad -agad na ipapasa ang resulta sa main server ng DOH National Office sa Metro Manila.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pamemeke ng drug test results dahil mismong DOH na ang magkukumpirma at magsesertipika nito.
Makukuha sa loob ng tatlumpung minuto ang resulta ng drug test para sa mga magnenegatibo sa pagsusuri samantalang aabot naman ng 4-5 araw kung magpo-positibo ang nagpakuha ng drug test, ani pa ng pamunuan ng laboratoryo, dahil dadaan pa ito sa kumpirmasyon ng DOH.
Espesyal na panauhin sa pagbubukas ng drug testing laboratory ng City Government si Phil Drug Enforcement Agency Region XII Director Naravy Duquiatan at iba pang mga opisyal ng PDEA sa rehiyon at lungsod ng Kidapawan.
Bukas na para sa mga nagnanais magpa drug test ang nabanggit na pasilidad simula August 26, 2020.