Ipinagmalaki ni Miss Supranational Philippines 2026 Katrina Llegado ang kagandahan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang gumamela-inspired national costume sa costume showcase ng Miss Supranational 2026 sa Nowy Sącz, Poland.
Suot ni Katrina ang isang makulay at mala-bulaklak na disenyo ni fashion designer Mitch Viray na hango sa pulang gumamela—isang bulaklak na karaniwang makikita sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa beauty queen, bagama’t tila maselan ang gumamela, sumisimbolo ito ng tibay, lakas, at kagandahan—mga katangiang nais din niyang dalhin habang kinakatawan ang Pilipinas sa international pageant.
Bukod sa national costume, umani rin ng papuri ang kaniyang pagrampa sa preliminary competition. Humanga ang maraming pageant fans at analysts sa kaniyang eleganteng red gown na likha ni Pablo Mendez, gayundin sa kaniyang kumpiyansang pagrampa sa swimsuit competition.
Samantala, patuloy ring nagpapakita ng magandang performance ang kinatawan ng Pilipinas sa Mister Supranational 2026 na si Felipe Marasigan. Nakapasok siya sa Top 5 ng Supra Model competition, Top 4 ng Influencer Challenge sa Facebook, at Top 10 ng Supra Chat Challenge.
Target ni Katrina Llegado na maiuwi ang ikalawang Miss Supranational crown ng Pilipinas, 13 taon matapos ang tagumpay ni Mutya Datul noong 2013.
Gaganapin ang coronation night sa Hulyo 31 sa Poland (August 1, sa Pilipinas.)
Umaasa naman si Marasigan na maiuwi ang kauna-unahang Mister Supranational title para sa bansa sa finale na gaganapin sa Agosto 1, (August 2 sa Pilipinas.)












