Nangunguna si Maria Ahtisa Manalo ng Quezon Province sa final hot picks ng mga beauty pageant analyst para sa Miss Universe Philippines 2025 pageant.
Sa inilabas na Facebook post ng pageant site nitong Huwebes, pumangalawa si Chelsea Fernandez ng Sultan Kudarat, habang nasa ikatlong puwesto si Yllana Aduana ng Siniloan, Laguna.
Pasok din sa Top 5 sina Winwyn Marquez ng Muntinlupa City at Katrina Llegado ng Taguig.
Aabot sa 66 kandidata ang maglalaban-laban sa coronation night ngayong Biyernes. Ipinakita na rin noong Huwebes ang kanilang mga national costume na hango sa Filipino Mythology.
Ang mananalo ay papalit kay Chelsea Manalo, Miss Universe Philippines 2024 at kasalukuyang Miss Universe Asia, at siya rin ang magiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe 2025 na gaganapin sa Nobyembre 21 sa Bangkok, Thailand.