BACOLOD CITY – Ibinasura ng korte ang maraming counts of murder na kinakaharap ni Moises Padilla Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo at iba pang opisyal ng bayan dito sa Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa legal counsel ng alkalde na si Atty. Jomax Ortiz, dinismiss ng Negros Occidental Provincial Prosecutor’s Office ang 4 counts of murder na isinampa laban kay Yulo at 14 na iba pang respondents.
Kasama sa mga kinasuhan ay sina Moises Padilla Vice Mayor Adrian Ian Villaflor, ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, dating Isabela Mayor Joselito Malabor, Vice Mayor Renato Malabor Jr. at iba pa.
Ang mga kaso ay isinampa noong Marso 16 ngayong taong 2020 kung saan kabilang sa mga complainants ay ang pamilya ng apat na mga lalaki na pinatay sa Moises Padilla mula taong 2016 hanggang 2018.
Ayon sa mga complainants, ang mga local officials ay kasabwat ng mga suspek sa pagpatay kina Rusty Caminade, Jose Joerito Amable, Michol June Ruales, at Magdaleno Grande.
Ayon kay Ortiz, ikinatuwa ng mga akusado ang desisyon ng prosecutor dahil sa kakulang ng ebidensya.
Una na ring inamin ng New People’s Army na sila ang pumatay sa mga biktima.
Kaagad namang nag-file ng motion for reconsideration ang mga complainants sa desisyon ng korte.