
Ikinokonsidera ng pulisya na solved o nalutas na ang kaso ng Adamson University student na si John Mattheew Salilig na nasawi sa hazing.’
Ito ay matapos na maaresto na ang ilang miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity kabilang ang leaders o officers ng fraternity chapter.
Naisampa na rin ang criminal complaints laban sa anim na mga suspek sa pagkasawi ni Salilig. Ang umano’y master initiator sa isinagawang hazing rites ay sumuko na rin nitong nakalipas na araw.
Kasalukuyang pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang 10 indibidwal na pinaniniwalaang may nalalaman sa pagkamatay ni Salilig na kabilang sa ikinokonsiderang persons of interest sa kaso.
Ayon kay Biñan City acting police chief Lt. Col. Virgilio Jopia, napakabilis ng usad ng kaso dahil nakikipagtulungan aniya ang mga ito sa imbestigasyon.
Una ng isinalaysay ng isang testigo sa krimen na 70 beses na pinagpapalo ang biktima sa isinagawang initiation rites.
Nabunyag sa medico-legal examination na namatay si Salilig dahil sa sever blunt force trauma sa kaniyang lower extremities.
Nakatakdang ilibing ang labi ni Salilig sa araw ng Sabado.
















