-- Advertisements --

Usap-usapan ngayon na nauwi na sa pagkansela ang inaabangang kasal ng aktres na si Bea Alonzo at businessman na si Vincent Co matapos ang hindi pagkakasundo sa umano’y probisyon ng kanilang prenuptial agreement.

Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng “stalemate” sa prenup ng dalawa, na naging pangunahing dahilan ng pagkaantala ng wedding plans na inaasahang gagawin sana sa Spain.

Mayroon din daw na ilang probisyon sa prenup na itinuring umanong hindi naging patas ang panig ni Co, habang itong si Bea ay umano’y nanindigan sa mga ito.

Hindi na isinapubliko ang eksaktong nilalaman ng mga kondisyon sa kahilingan ng isang source.

Iniulat din na may ilang bisita at kaanak ng dalawa na nakapag-book na ng biyahe papuntang Spain para sana sa nakatakdang kasal. Gayunman, matapos ang pagbabago ng plano, ginamit na lamang umano nila ang mga naunang nabiling tiket para sa ibang lakad.

Bakit kasi sa Spain ang kasal? Matagal na kasing naninirahan doon si Bea since 2022 pa matapos niyang mabili ang isang property sa Spain at kung maaalala nauna nang kumalat ang chismis na sa St. Peter the Apostle Parish sa Manila gaganapin ang kasal, ngunit kalaunan ay lumabas ang balitang sa Europa ito idaraos bilang isang private ceremony.

Ang chismis ay lalo pang naging totoo matapos ang mga ulat na ilang malalapit na kaibigan at kapamilya ni Bea ay nakita ring bumiyahe patungong Spain.

Si Vincent Co ay anak ng retail magnate na si Lucio Co at may hawak na matataas na posisyon sa ilang malalaking kumpanya tulad ng Cosco Capital, Inc. at Puregold Price Club, Inc.

Samantala, si Bea naman ay patuloy na aktibo sa showbiz at sa kanyang negosyo.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo nina Bea at Co hinggil sa umano’y pagkansela ng kanilang kasal.

Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo sa dalawa ngunit wala pa itong tugon sa amin.