-- Advertisements --

Nagsalita na sa publiko ang dating talent manager ni Bea Alonzo na si Shirley Kuan tungkol sa kanyang pagbibitiw sa actress, matapos siyang masangkot sa mga alegasyong nakialam umano siya sa personal na buhay at naudlot na kasal ni Bea sa businessman na si Vincent Co.

Sa isang press conference, itinanggi ni Kuan na nagbitiw siya dahil hindi siya ipinagtanggol ni Bea matapos kumalat ang mga akusasyon laban sa kanya.

Ayon kay Kuan, ang naging “last straw” sa kanilang professional relationship ay nang ma-disinvite siya sa isang event para sa endorsement deal na siya mismo ang tumulong makuha para kay Bea.

Sinabi ni Kuan na nakipag-usap siya kay Bea tungkol dito at sinabi niyang hindi niya matanggap ang nangyari dahil wala naman umano siyang ginawang mali.

Agosto 11 nang pormal na magbitiw si Kuan bilang manager ni Bea Alonzo.

Nilinaw rin ng talent manager na nanahimik siya sa mga unang paratang na siya ang dahilan kung bakit nakansela ang kasal nina Bea at Co sa Spain.

Ayon kay Kuan, hiniling umano sa kanya ni Bea na huwag nang magsalita tungkol sa isyu dahil ayaw nitong lumaki pa ang kontrobersiya.

Gayunpaman, sinabi ni Kuan na habang nananatili siyang tahimik, lalo lamang siyang nasangkot at inaakusahan.

Itinanggi rin niya ang alegasyong pinipigilan niya ang kasal nina Bea at Co dahil mawawala sa kanya ang malaking kita mula sa actress.

“I find that very insulting. parang tingin nila sa akin pulubi, na parang pag wala na si Bea sa akin magugutom na ako. At saka tanungin nyo maski sino dito sa showbiz, more than 30 years na ako dito…I just want to make this clear. Bea did not make me rich, nor will she make me poor. So stop calling her my cash cow,” ani SK (Kuan).

Giit ni Kuan, mahigit 30 taon na siya sa showbiz at hindi nakadepende kay Bea ang kanyang kabuhayan.

Sinabi rin niyang direkta niyang tinanong si Bea kung siya ba ang nag-utos o nagsabi na kanselahin ang kasal nito kay Co.

Ayon kay Kuan, itinanggi ito ni Bea at sinabing hindi kailanman sinabi ng dating manager na kanselahin nila ang kanilang kasal.

Iginiit din ni Kuan na mayroon siyang mga “receipts” o ebidensiya na sumusuporta sa kanyang mga pahayag.

“She said, ‘How did it come to this?’ I said, I don’t know. I have no idea bakit ako sinisiraan nonstop. I said, ‘Bea you never defended me. Hindi mo ako pinagtanggol e.’ I said that… pero sa akin, you could have told whoever that is the truth. Wala akong alam dyan, hindi ako nakialam ever. So I said, I promised her that I will not make another announcement about the resignation. But I said, one more, tirahin pa ako isa, you are giving me no choice but to defend myself. Because enough is enough.”

Samantala, wala pang pahayag si Alonzo tungkol sa mga pahayag ng dating manager.

Matatandaang nakatakda sanang ikasal sina Alonzo at Co sa Spain noong Mayo 14, ngunit hindi ito natuloy matapos ang kanilang hindi pagkakaunawaan na kalaunan, ikinasal ang dalawa sa civil rites sa Makati.