-- Advertisements --

Sa ikalawa at ikatlong linggo pa ng Hulyo posibleng makarating sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang kanilang karagdagang supply ng COVID-19 (Coroavirus Disease) vaccines.

Ayon ito kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na siya ring chairman ng Metro Manila Council (MMC), alinsunod sa pahayag ng Department of Health (DOH).

Sa oras na dumating na ang karagdagang supply nila ng COVID-19 vaccines, sinabi ni Olivarez na makakapagsimula na ulit sila nang pagbabakuna ng first dose.

Kamakailan lang ay ilang LGUs ang pansamantalang itinigil ang kanilang first dose vaccination dahil sa bumababang stock ng COVID-19 vaccines.

Ito ay kasunod na rin sa direktibang ibinaba ng national government na gamitin ang kanilang dalawang-linggong imbentaryo para sa second dose lamang dahil sa limitado pang supply ng bakuna.

Sa Parañaque, sinabi ni Olivarez na aabot na sa 200,000 na kanilang residente ay naturukan na ng first dose habang 65,000 naman ang nakatanggap na ng second dose.

Target ng lungsod na mabakunahan ang 465,000 nilang mga residente, o 70 percent ng 675,000 populasyon para maabot ang tinatawag na herd immunity.