Malugod na tinanggap ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre ang pagpapalabas ng P9.753 bilyon ng Department of Budget and Management (DBM) para sa kakulangan sa pondo ng 108 State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng Free Higher Education Program.
Ayon kay Acidre, makatutulong ang pondo upang mabayaran ang naipong obligasyon ng mga SUC sa nakalipas na tatlong academic year at maibsan ang kanilang problema sa pananalapi.
Binigyang-diin niya na mahalagang maagap at regular ang pagpapalabas ng pondo upang hindi maantala ang operasyon ng mga pamantasan at ang paghahatid ng serbisyo sa mga estudyante.
Nagpasalamat din si Acidre kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon, Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis, at UniFAST OIC Executive Director Atty. Septon De La Cruz sa pagtugon sa validated funding requirements.
Hinimok naman niya ang pamahalaan na gawing mas mabilis, tiyak at naaayon sa aktuwal na enrollment at pangangailangan ng mga SUC ang sistema ng pagpopondo.
Aniya, hindi sapat na libre ang matrikula kung nahihirapan naman ang mga pamantasang nagpapatupad nito dahil sa pagkaantala ng reimbursement.
Layunin, aniya, na matiyak na mananatiling matatag ang mga SUC at maisusulong ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon.










