-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panukalang batas na magtataas sa sahod ng mga special needs education (SNed) teachers upang matugunan ang kakulangan ng mga guro para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Sa ilalim ng House Bill 5574, itataas mula Salary Grade 14 tungo sa Grade 16 ang minimum salary grade ng SNed teachers sa mga pampublikong paaralan.

Katumbas ito ng basic pay na P45,694 kada buwan ngayong taon at P47,829 pagsapit ng 2027.

Ayon kay Yamsuan, kailangan ng sapat na bilang ng SNed teachers upang mabigyan ng pantay na oportunidad sa edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan.

Batay sa datos, mayruong 391,089 learners with disabilities (LWDs) na naka-enroll sa public schools noong school year 2024-2025, ngunit wala pang 6,000 SNed teachers na nagsisilbi sa kanila.

Sinabi ni Yamsuan na may humigit-kumulang 600 bagong SNed teaching positions na nilikha ng Department of Education (DepEd) ngayong taon ngunit hindi pa mapunan dahil hinihintay ang bagong qualification standards mula sa Civil Service Commission (CSC).

Nanawagan ang mambabatas sa CSC na pabilisin ang proseso at sa Kongreso na ipasa ang panukalang dagdag-sahod upang makahikayat at mapanatili ang mas maraming SNed teachers sa mga pampublikong paaralan.