-- Advertisements --

Pormal nang pinapasama ang karagdagang limang milyong household o kabahayan na makakatanggap ng Social Amelioration Program (SAP) sa ikalawang tranche ng nasabing financial assistance sa mga pinakamahihirap na kababayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Magugunitang umaabot sa limang milyong household ang hindi napasama sa orihinal na listahan kaya iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Finance (DOF) na hanapan ito ng pondo.

Nakapaloob ito sa Memorandum sa mga kinauukuhang Cabinet secretaries na inilabas ni Executive Sec. Salvador Medialdea na pirmado nito noong Mayo 22.

Batay sa memo, alinsunod ito sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) sa kanilang Resolution No. 31.

Nakasaad sa memo ni ES Medialdea na panatilihin ang orihinal na bilang at budget para sa unang tranche ng SAP at sa ikalawang tranche nito, isasama na ang limang milyong eligible household sa 12 milyong beneficiaries na karamihan mula sa mga lugar na nasa enhanced community quarantine (ECQ) gaya ng Metro Manila, Laguna at Cebu City.

Ipinaliwanag ni Sec. Medialdea na bagama’t natural lamang na karamihan sa beneficiaries sa ikalawang tranche ng SAP ay galing sa ECQ areas dahil mas mahirap ang sitwasyon bunsod ng mas marami pa ring restrictions, ikinokonsidera pa rin naman daw ang mga nasa general community quarantine (GCQ) areas.