-- Advertisements --
Joey Salceda
Albay Rep. Joey Salceda

Hinimok ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang National Task Force (NTF) na irekominda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang linggong extension ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Base kasi aniya sa mga scientific evidence, hindi pa nakakamit ng Pilipinas ang “justified confidence” pagdating sa laban kontra COVID-19.

“We’re simply not there yet, no matter how much we wish this pandemic to end. It would be almost willful neglect to say that the country can now reopen,” ani Salceda.

Sa ngayon, papalo pa lamang aniya sa 46,000 tests ang naisasagawang COVID-19 tests at inaasahang madadagdagan ng 80,000 pa pagsapit ng Abril 30, na siyang nakatakdang pagtatapos ng Luzon-wide lockdown.

Pero kulang pa rin aniya ang naturang bilang dahil 0.1 percent lamang aniya ito ng kabuuang populasyon.

Kung aalisin na kaagad ang enhanced community quarantine, sinabi ni Salceda na marami sa mga positive cases, lalo na ang mga asymptomatic, ang posibleng hindi maisailalim sa testing at posibleng makahawa sa iba.

“lifting the ECQ amounts to carelessly exposing the entire population to infection, no matter what residual social distancing,” giit ni Salceda.

Bagama’t nagtagumpay aniya ang NTF sa pagpapabila nang social interaction, naniniwala si Salceda na mababalewala lamang ito kung hindi nababawasan muna ang aniya’y infectiousness ng sakit.

Ang dapat na gawin aniya sa ngayon ay matiyak na mapababa ang potensyal nang pagkahawa ng virus pati na rin ang pagpapalakas sa kapasidad ng healthcare system.