Ipina-uubaya na lamang ng Malacañang sa Korte Suprema ang magiging kapalaran ng anti-terror law.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na tatalima ang Malacañang anuman ang magiging ruling ng Korte Suprema sa mga inihaing petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng bagong batas.
“The Palace will leave it to the SC to decide on these petitions and will abide by whatever the ruling is,” ani Roque.
Biyernes, Hulyo 3, nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa kabila nang mariing pagtutol rito ng iba’t ibang grupo at indibidwal dahil sa posibleng paglabag sa civil at political rights, at maging sa Konstitusyon mismo.
Isang grupo ng mga abogado at propesor ang humihiling sa Korte Suprema na ipahinto ang implementasyon ng bagong batas na ito.
Kanilang iginigiit na naglalaman ang nasabing batas ng mga probisyon na maituturing na “repugnant” sa Saligang Batas.