Naniniwala si Ateneo Policy Center senior research fellow Atty. Michael Yusingco na ang magiging testimoniya ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ay isa sa pinaka-crucial na ebidenisya para patunayan kung mayroon ngang hindi maipaliwanag na kayamanan ni VP Sara Duterte.
Ayon sa abogado, si Remulla ang may otoridad na makakapagsabi kung mayroon ngang hindi maipaliwanag na kayamanan ang pangalawang pangulo, batay sa official records na hawak ng Tanodbayan.
Paliwanag ni Atty. Yusingco, nakatago sa Office of the Ombudsman ang opisyal na kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo na maaaring ikumpara sa kaniyang bank at tax records na pare-parehong ipina-subpoena ng House Justice Committee.
Ang anumang sasabihin ni Remulla, ukol sa official financial record ng pangalawang pangulo aniya, ay tiyak na magagamit bilang ‘clear and convincing evidence’ para suportahan ang ‘unexplained wealth’ claims laban kay VP Sara, na isa sa mga inirereklamo laban sa kaniya.
Gayunpaman, malaki rin aniya ang papel ni Remulla o ng kinatawan ng Ombudsman sa pagpapaliwanag kung lumobo nga ang kayamanan ni VP Sara nang hindi akma sa kaniyang sinasahod o natatanggap na benepisyo bilang public official.
Hindi rin inaalis ng abogado ang posibilidad na walang iregularidad sa SALN ng pangalawang pangulo.
















