-- Advertisements --

Natuklasan ng Philippine National Police (PNP) ang apat na abandonadong inbound parcels na naglalaman ng tinatayang P6.9 million halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ayon sa PNP, ang mga pakete ay na-flag noong Huwebes sa isinagawang X-ray screening ng Bureau of Customs at kalaunan ay kinumpirma sa pamamagitan ng K-9 inspection at manual na pagsusuri.

Narekober sa mga parcels ang humigit-kumulang 4.2 kilo ng hinihinalang dried marijuana kush at 235 piraso ng hinihinalang ecstasy.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagmula umano ang mga parcels sa iba’t ibang bansa at idineklara bilang mga karaniwang item gaya ng pagkain at laruan.

Sinabi ng PNP na hindi pa nakukuha ng mga consignee ang mga padalang ito at kasalukuyan silang iniimbestigahan.

Ite-turn over ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tamang disposisyon.