-- Advertisements --

Tiniyak ng legal na kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang patutunayan sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) na isang “complete fiction” o gawa-gawa lamang ang alegasyong may direktiba ang pamahalaan na pumatay ng mga suspek sa ilalim ng war on drugs.

Ayon kay defense counsel Nicholas Kaufman, nakasalalay lamang ang kaso ng prosekusyon sa mga testigong umano’y walang kredibilidad.

Binuweltahan niya ang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity na kinabibilangan ng murder at attempted murder laban sa dating pangulo.

Paliwanag ni Kaufman, hindi pa nasusuri sa confirmation hearings ang pagiging kapani-paniwala ng mga testigo ng prosekusyon.

Binatikos din ng depensa ang umano’y posibleng pabuya sa mga testigo kapalit ng kanilang mga salaysay, kabilang ang pagiging ligtas sa anumang kaso at pagbibigay ng bagong pagkakakilanlan gamit ang pondo ng international community.

Nanindigan ang abogado na walang bigat ang mga ebidensiyang patuloy na inihahain ng mga kritiko ni Duterte.