BOMBO DAGUPAN – Pulitika ang nakikitang motibo ng pamamaril sa isang kumakandidato sa pagiging Kapitan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa brgy. Bayaoas, sa bayan ng Aguilar dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Mark Ryan Taminaya, ang Chief of Police ng Aguilar Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Arneil Adolfo Flormata, 41 anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, bago ang insidente ay dumalo ang biktima sa kanilang miting de avance at nang matapos itong maglahad ng kaniyang talumpati ay tumungo ito sa kanyang sasakyan para sana magpalit ng damit at dito na naganap ang pamamaril sa biktima bandang alas onse y media ng gabi kamakailan.
Nagtamo naman ng isang tama ng baril sa ulo ang biktima mula sa calibre 45 na baril n umanoy ginamit ng suspek sa pamamaril nito.
Agad ding umalis ang suspek lulan ng kaniyang tricycle na minamaneho naman ng isang kasamahan nito patungong sa bayan ng Mangatarem.
Sinubukan pa umanong dalhin sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na nagawa pang maisalba ang kaniyang buhay.
Kaugnay nito, sinisikap naman ng Aguilar Police Station na malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at ng mga kasamahan nito.
Sa kasalukuyan ay mayroon na rin umano silang nakuhang witness na makatutulong sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.