Tutol ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan ng prosekusyon ng International Criminal Court na ma-access ang kanyang mga personal na gamit at i-freeze ang anumang perang nakumpiska matapos siyang arestuhin at dalhin sa The Hague noong nakaraang taon.
Ayon sa depensa, hindi na kailangan ang pag-freeze sa pera dahil nasa pangangalaga na ito ng Registry ng ICC.
Gayunman, kung papaboran ng hukuman ang kahilingan, hiniling nilang tiyaking hindi mababawasan ang halaga ng anumang nakumpiskang salapi.
Hiniling din ng kampo ni Duterte na huwag payagang ma-access ng prosekusyon ang mga nakumpiskang susi at iba pang personal na gamit dahil maaari umanong malabag ang kanyang privacy at maging ang karapatan sa privacy ng kanyang mga kaanak.
Samantala, sa panig naman ng Registry ng ICC, nakahanda itong sundin ang anumang magiging utos ng Trial Chamber III.
















