MANILA – Umapela si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa Department of Health (DOH) na huwag parusahan ang mga doktor na nagbigay ng “invalid prescription” ng ivermectin sa Quezon City.
“If there was anything wrong with our distribution of this COVID-19 wonder drug ivermectin, we are the ones answerable, not our volunteer doctors and other medical practitioners who just wanted to help our poor people,” ani Defensor sa isang statement.
Noong Huwebes nang maglunsad ng aktibidad ang kongresista, kasama si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, sa Brgy. Matandang Balara.
Namigay sila ng ivermectin sa mga residente matapos magbigay ng reseta ang ilang doktor na kanilang kasama.
Pinuna ng DOH ang reseta ng mga doktor dahil nakalagay lang sa kapirasong papel at hindi sa wastong prescription pad.
Ayon sa Health department, ie-endorso nila sa Professional Regulation Commission (PRC) ang imbestigasyon para mapanagot ang mga sangkot na medical professionals.
Una nang sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na paglabag sa FDA Act of 2009 ang aktibidad ng mga kongresista.
Wala pa kasing rehistradong ivermectin sa Pilipinas na para sa COVID-19. Hindi rin otorisado ang naturang mga doktor para mag-reseta ng naturang gamot.
Sa ngayon ang rehistrado pa lang na ivermectin sa bansa ay ang para sa pampurga ng mga hayop.
Ayon sa World Health Organization at European drugmaker ng ivermectin na Merck, wala pang basehan na ligtas at epektibong panlaban at panggamot sa COVID-19 ang nasabing gamot.