Walang nakahandang “Plan B” ang Kamara sakaling magdesisyon ang Senado na upuan ang economic Charter change (Cha-cha), ayon kay House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr.
Sa Ugnayan sa Batasan press briefing nitong umaga, sinabi ni Garbin na wala pang pormal na pag-uusap ang liderato ng Kamara at Senado patungkol sa mga itinutulak na amiyenda sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Pero umaapela si Garbin sa mga senador na maging bukas at bigyan nang tsansa ang economic Cha-cha.
“Umaasa kami na mabibigyan ng tsansa ng senado. Wala pa kaming “Plan B” sakaling hindi sumama ang senado rito,” ani Garbin.
Dapat ipaubaya na lamang aniya sa taumbayan ang pagdedesisyon kung tatanggapin ba ng mga ito o hindi ang mga proposed amendments sa Saligang Batas sa pamamagitan ng isang plebesito.
Kung maari, ang plebesito na ito ay mas mainam naman na isabay na sa 2022 national elections upang sa gayon ay hindi na kailangan pang maglabas ang pamahalaan ng karagdagang pondo, ayon kay Garbin.
Kahapon, inaprubahan ng komite ni Garbin ang Resolution of Both Houses No. 2 sa botong 64 na Yes, 3 na No at 3 na Abstention.
Pero tinanggal ng mga komite ang dating proposal na payagan ang foreign ownership sa mga lupain sa Pilipinas.
Nanatili pa rin naman ang layunin na isingit ang katagang “unless otherwise provided by law” sa constitutional provisions na nagsasabi na tanging ang mga Pilipino lamang ang maaring makapag-control, magmay-ari, at/o umupa sa natural resources, public utilities, educational institutions, mass media companies, at advertising companies sa Pilipinas.
















