Umaasa ang Kamara de Representantes na hindi maaapektuhan ng umiiral na sigalot sa Senado ang nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng pagkilala nito sa pamumuno ni acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, natupad na ng Kamara ang kanilang konstitusyonal na tungkulin kaugnay ng impeachment proceedings at nakahanda na silang ipagpatuloy ng Senado ang susunod na yugto ng proseso.
“Kami po kasi sa Kongreso, halos tapos na po. Natapos na namin ang mga obligasyon namin at ang trabaho namin sa impeachment,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, inaasahan nilang maresolba na ng Senado ang kanilang panloob na sigalot upang makapagsimula na ang paglilitis.
“Gusto namin talagang ma-resolve na nila ang internal issues nila kasi ang malaking question mark noong 19th Congress pa at ngayong 20th Congress ay kung kailan talaga magsisimula ang impeachment trial,” saad pa ng Kongresista.
Binanggit din ni Ortega ang mataas na antas ng interes ng publiko sa usapin. Ayon sa kanya, batay sa kanilang lokal na sentiment survey, mahigit 86 porsiyento ng mga respondent ang nagtatanong kung kailan magsisimula ang impeachment proceedings.
Sa kabila ng hidwaan sa pagitan ng mga kampo nina Senador Sherwin Gatchalian at Senador Alan Peter Cayetano, iginiit ni Ortega na hindi ito dapat maging dahilan upang maantala ang paglilitis.
“Kapag tiningnan mo ang sitwasyon, parang may smokescreen o dahilan para magkaroon ng delay. Pero hindi puwedeng maging rason ang anumang sigalot para hindi matuloy ang impeachment,” pahayag pa nito.
Binigyang-diin din ng mambabatas na mahalagang mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ng publiko hinggil sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente, anuman ang maging resulta ng paglilitis sa Senado.
“Ang mahalaga ay mabigyan ng pagkakataon ang proseso na umusad at malaman ng taumbayan ang katotohanan sa pamamagitan ng isang patas at maayos na paglilitis,” dagdag niya.
Nakatakdang simulan ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Duterte sa Hulyo 6, kung saan inaasahang tatalakayin at didinggin ang mga reklamong inihain laban sa kanya.
















