-- Advertisements --

Target ngayon ng House appropriations committee na matapos ang kanilang isasagawang budget hearings sa ikalawang linggo ng Setyembre.

Sinabi ni Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na ito ay para masimulan na rin sa lalong madaling panahon ang plenary deliberations para sa P4.1-trillion na panukalang pambansang pondo pagkatapos mismo na maaprubahan ng kanilang panel ang committee report ukol dito.

Ayon kay Ungab, target nilang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang General Appropriations Bill (GAB) sa Oktubre 4 bago ang congressional recess.

Para magawa ito, handa raw ang kanyang komite na magsagawa ng hearing sa proposed national budget mula Lunes hanggang Biyernes, simula Agosot 22.

Sa naturang petsa ay magsasagawa raw ng briefing ang Development Budget Coordination Committee, ang inter-agency body na tumutukoy ng lahat ng economic targets, expenditure levels at budget ng pamahalaan.

Sa darating na Agosot 23 ay ire-review naman daw ng appropriations committee ang budget proposal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).