Kinondena ni Kamanggagawa Party-list Representative Elijah San Fernando ang inilabas na ‘status quo ante order’ ng korte para pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng P85 dagdag sa minimum wage sa National Capital Region.
Ayon kay San Fernando, labag sa Labor Code ang naturang kautusan ng korte.
Paliwanag ng abogado, nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na walang hukuman, tribunal o iba pang entity ang maaaring magpalabas ng injunction o temporary restraining order laban sa mga proceedings o desisyon ng National Wages and Productivity Commission at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Itinatakda rin aniya ng Article 123 ng Labor Code na ang mga apela kaugnay ng wage order ay dapat idaan sa National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Naniniwala ang mambabatas na walang hurisdiksyon ang Pasig City Regional Trial Court Branch 152 sa usapin ng wage order.
Aniya, malinaw itong panghihimasok ng hudikatura sa quasi-legislative function ng DOLE.
Kung babalikan ang naging kautusan ng Pasig court, hindi muna ipapatupad ang wage hike hanggang August 13 matapos maghain ng petisyon ang Readycon Trading and Construction Corp at R-II Builders Inc. laban sa wage order.












