-- Advertisements --

Ibinunyag ng Nagkaisa Labor Coalition (NLC) na isang government contractor ang kabilang sa mga naghain ng temporary restraining order (TRO) upang ipahinto ang pagpapatupad ng P85 na minimum wage hike sa Metro Manila.

Ayon sa NLC, nakapagtataka umano ang pagtutol ng naturang kumpanya dahil maaari namang maipasa sa kliyente ang dagdag-gastos sa sahod, alinsunod sa umiiral na batas para sa construction industry.

Pangunahing kliyente pa raw ng naturang kumpanya ay ang pamahalaan, kaya’t iginiit nitong walang dahilan upang hadlangan ang pagpapatupad ng umento sa sahod.

Matatandaang naglabas ang Pasig Regional Trial Court ng TRO noong Hulyo 30 na pansamantalang nagsususpinde sa implementasyon ng P85 minimum wage increase sa National Capital Region hanggang Agosto 13, kasunod ng petisyong inihain ng ilang construction companies.

Samantala, tiniyak ni Labor Secretary Francis Tolentino na ginagawa ng pamahalaan ang mga hakbang upang maipatupad ang wage hike at mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.