Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gagamitin nito ang lahat ng legal remedy upang kuwestiyunin at ipawalang-bisa ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nagpalawig sa suspensiyon ng P85 minimum wage increase sa National Capital Region.
Matatandaang naglabas ang Pasig RTC ng preliminary injunction, kaya nananatiling suspendido ang pagpapatupad ng dagdag-sahod.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, hindi lamang umano ipinahinto ng korte ang wage increase kundi direktang naapektuhan ang kakayahan ng mga manggagawa na matustusan ang kanilang mga pamilya.
Giit pa ni Tolentino na bawat pisong dagdag sa kita ay mahalaga lalo na sa kasalukuyang panahon, dahil nakasalalay dito ang pagkain, tirahan at maayos na pamumuhay ng mga pamilya ng mga manggagawa.
Sinabi pa ng kalihim na hindi pababayaan ng DOLE ang mga manggagawa at patuloy itong lalaban upang makahanap ng solusyon at maibigay sa mga ito ang nararapat na dagdag-sahod.
















