-- Advertisements --

Nilinaw ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando na wala siyang karanasan ukol sa alegasyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na may ilang mambabatas na umano’y tinakot na para lamang suportahan ang impeachment case vs VP Sara Duterte.

Batay sa naunang pahayag ng dating presidential son, tinatakot ang mga mambabatas na hindi sila mabibigyan ng pondo kung hindi nila susuportahan ang impeachment case.

Pero ayon kay San Fernando, wala pang tumatawag sa kaniya o lumalapit sa kaniya na nananakot o nag-aalok ng anuman, kapalit ng kaniyang magiging boto.

Maging ang kaniyang mga ‘kaibigan’ sa loob ng Kamara ay hindi rin umano nakakatanggap ng tawag o kinakausap para hingin ang kanilang suporta.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala pang desisyon ang naturang partido sa kanilang magiging boto sa plenaryo, sakaling ipapasa na ng House Justice Committee ang Articles of Impeachment.

Ayon sa partylist lawmaker, nag-uusap pa ang mga lider ng partido upang tasahin ang magiging desisyon, habang hinihintay din ng mga ito ang opisyal na kopya ng complaint upang maikunsidera ang lahat ng salik.

Unang nag-abstain ang Kamangagawa Partylist noong pinagbotohan sa plenaryo ang impeachment case laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. (report by Bombo Jai)