KALIBO, Aklan – Ramdam na ng pamunuan ng Kalibo International Airport ang epekto ng pagbuhos ng domestic flights sa Caticlan Airport sa Malay, Aklan.
Ayon kay Kalibo Sangguniang Bayan member Ronald Marte, umaabot sa 35 domestic flights ang lumalapag sa Caticlan airport kumpara lamang sa apat sa Kalibo airport.
Karamihan sa mga pasahero dito ay bakasyunista papuntang isla ng Boracay.
Suportado ng SB-Kalibo ang inihaing resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na tumututol sa pagbubukas ng international flights sa Caticlan kung sa saan ilang flights ang manggagaling mula o papuntang Taiwan.
Nangangamba ang lokal na pamahalaan ng Aklan na mawawalan sila ng kita sakaling matuloy ang plano ng San Miguel Corp., na siyang namamahala sa paliparan ng Caticlan.
Malaki na umano ang naging investment ng Aklan sa paliparan ng Kalibo at hindi nila papayagang masayang ang kanilang pinaghirapan.
Maliban dito, nagpaabot rin ng reklamo ang mga hotels at restaurants sa bisinidad ng paliparan sa matumal na kita dahil sa kaunting pasahero.