Hindi pa man nangangalahati ang schedule ng NBA games, paborito nang manalo ng most valuable player award (MVP) ang nagbabalik na si Kevin Durant ng Brooklyn Nets.

Sa 16 pa lamang na games ng Brooklyn marami nang pinabilib si Durant sa ipinapakitang all around games kahit 18 buwan din itong hindi naglaro dahil sa dinanas na Achilles injury.

kevin durant KD nets
Kevin Durant (photo from @BrooklynNets)

Batay sa NBA statistics, sa tindi raw ng performance ngayon ni Durant nalampasan pa niya ang taong 2013-2014 kung saan nanalo rin siya ng MVP award.

Makikita raw ngayon sa NBA games na angat na angat si Durant pagdating sa shooting, sa three point area, assists at blocks per game.

Inaasahan naman ng mga tagamasid na lalo pang kikinang ang pagiging player efficiency ni Durant, dahil kompleto na ang big three sa kanyang koponan.

Ito ay ang pagbabalik na nga ni Kyrie Irving at ang bago nilang recruit na si James Harden.

Samantala sa laro mamaya ng Brooklyn laban sa Cleveland Cavaliers, magpapahinga muna si Durant para sa rehab ng kanyang Achilles injury.