Inilabas na ni Senate President Vicente Sotto III ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), kung saan lumalabas na aabot sa P188,868,123.40 ang kanyang kabuuang yaman.
Batay sa Certified True Copy ng SALN na nilabas ng opisina ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr. noong Hunyo 30, 2025, iniulat ni Sotto na nagkakahalaga ng P335.17 milyon ang kanyang mga real property.
Kabilang dito ang tatlong bahay at lote — kung saan ang pinakamahal ay tinatayang P235 milyon — gayundin ang dalawang condominium unit, dalawang residential lot, at isang agricultural lot.
Umabot naman sa P130.4 milyon ang halaga ng kanyang personal properties, dahilan para umabot sa P465.6 milyon ang kabuuang assets ni Sotto.
May mga utang din si Sotto na nagkakahalaga ng P276.7 milyon, kabilang ang bank loans, personal loans, at iba pang bayarin.
Dahil dito, nasa P188.9 milyon ang kanyang net worth.
Tumaas ng P103.2 milyon ang yaman ni Sotto sa nakalipas na limang taon — mula P85.6 milyon noong 2020 hanggang sa kasalukuyang halaga.
Noong 2016, nasa P63.8 milyon ang kanyang ari-arian.
Sa parehong dokumento, idineklara rin ng senador na nasa walo ang kanyang kamag-anak na nagseserbisyo rin sa gobyerno. Ang ilan dito ay nasa kanyang opisina.
Si Sotto ay kilala ring regular host ng isang noon time show matapos siyang pansamantalang huminto sa pagiging senador.














