-- Advertisements --

Iniutos ng House Committee on Justice na dumalo si Ramil Madriaga sa impeachment hearing sa Abril 14 at dalhin ang kanyang affidavit laban kay Vice President Sara Duterte kasama ang iba pang ebidensya.

Base sa subpoena, natanggap ni Madriaga ang confidential funds ng Office of the Vice-President at Department of Education sa pagitan ng 2022 at 2023, mula kay Vice-Presidential Security and Protection Group (VPSPG) Col. Raymund Dante Lachica at idinala umano ito sa mga kaibigan at kakilala ng Bise Presidente.

Bagong elemento sa reklamong impeachment laban kay VP Sara ang testimonya ni Madriaga. Ayon sa mga complainant, malinaw na pinatutunayan ng kanyang pahayag na si VP Sara ay “talagang ginamit umano at inilihis ang confidential funds para sa kanyang personal na gamit, taliwas sa layunin ng pondo.

Itinanggi naman ng Pangalawang Pangulo ang alegasyon at nagsampa ng perjury complaint laban kay Madriaga, at tinukoy pa itong bahagi umano ng kidnap-for-ransom group na planong patayin siya.

Hindi naman ito ang unang subpoena na inilabas Kamara. Bago ito, inatasan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na dumalo sa susunod na hearing at dalhin ang kanyang certified true copies ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Sara mula 2022–2025 at 2007–2013, bilang bahagi ng nakaraang pag-apruba ng Committee on Justice noong Marso 25.