CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinasa na ng pulisya ang malawakang pursuit operations laban sa anak ng dating alkalde na itinuturong responsable sa paglusob sa isang jewelry shop sa Barangay Sugod, Marawi City, Lanao del Sur, noong nakaraang linggo.

Sinasabing natangay ng suspek na si Mahid Salic ang nasa P2.6 milyong halaga ng mga alahas at pera nang lusubin ang Layl- Haya Jewelry Shop kasama ang tatlong iba pa.

Ang nasabing tindahan ng mga alahas ay pagmama-ari umano ng nagngangalang Noaim Mohammad Macaraya na nagtamo ng sugat nang lumaban sa kasagsagan ng krimen.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col. Rex Derilo na natukoy ang suspek matapos pinakitaan ng pulisya ng mga larawan.

Dito na lumabas na anak ito ni dating City Mayor Fahad Salic na una ring pinaghahanap dahil sa pagkasangkot daw sa terror attack noon sa Marawi City.

Inihayag ni Derilo na agad nagsagawa ng follow up operation subalit nakatakas si Salic.

Tanging suspected drug paraphernalia, anim na sachet ng hinihinalang shabu, at replika ng kalibre 45 na baril ang narekober ng pulisya sa bahay nito sa Ditsaan-Ramain, Lanao del Sur.

Ipinag-utos na rin opisyal na higpitan ang lahat ng exit boundaries ng probinsya at hanapin ang mga suspek para ihaharap sa kasong robbery and violence against persons na pormal nang naisampa sa piskalya ng lungsod noong Enero 22.

Sa ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan si Macaraya na nagtamo ng saksak at mga pasa matapos binugbog ng mga suspek bago tuluyang tumakas sakay ng Ford Everest.