-- Advertisements --
Mabilis na pinadapa ng World No. 3 na si Jessica Pegula ang Romanian tennis star na si Elena-Gabriela Ruse sa kanilang unang laban sa US Open upang siguruhin ang kaniyang puwesto sa ikalawang round ng torneo.
Hindi na pinatagal ng American tennis champion ang duwelo laban sa WTA No. 51 nang tapusin niya ito sa loob lamang ng dalawang set, 6-3, 6-2.
Hindi na nakabangon pa ang Romanian player bunsod ng ipinamalas na bilis at liksi ni Pegula na agad na humawak ng kontrol sa buong laro.
Sa kabila ng kaniyang mataas na puwesto sa WTA rankings, patuloy pa ring hinahanap ni Pegula ang kaniyang kauna-unahang Grand Slam title—isang layunin na inaasahan niyang makakamtan sa taong ito.
















