Ibinaon ni Rudy Gobert ang dalawang free throws sa huling 6.9 segundo upang ihatid sa Utah Jazz ang 106-104 pagdispatsa sa New Orleans Pelicans sa unang game ng muling pagpapatuloy ng mga laro sa NBA season.

Namayani sa Jazz ang Filipino-American na si Jordan Clarkson na kumayod ng 23 points, habang nagpasiklab din si Gobert sa kanyang 14-point, 12-rebound at three-block performance.

Kapwa naglista naman ng 20 points sina Donovan Mitchell at Mike Conley para ialay sa Utah, na bumangon sa second half makaraang mabaon sa 16-point deficit sa huling bahagi ng ikalawang yugto.

Sa panig naman ng New Orleans, nasayang ang 23 points na hinagod ni Brandon Ingram.

Dumagdag pa sa pagkadismaya ni Ingram ang pagmintis ng kanyang 3-point attempt sa pagtunog ng buzzer, na nagpanalo sana sa koponan kung sakali.

Habang si Zion Williamson naman ay nagbuhos ng 13 markers kahit nilimitahan lamang ng New Orleans sa 15 minuto ang kanyang playing time.

Sunod na makakatunggali ng Pelicans ang Los Angeles Clippers sa araw ng Linggo.

Habang ang Jazz ay haharapin ang Oklahoma City Thunder sa nasabi ring araw.