Mariing kinondena ng Japan ang umano’y paulit-ulit na “abnormal” na paglapit ng mga fighter jet ng China sa mga Japanese intelligence-gathering aircraft sa himpapawid ng East China Sea, na anila’y maaaring magdulot ng banggaan.
Ayon sa Ministry of Defense ng Japan, isang Chinese JH-7 fighter-bomber ang lumapit nang halos 30 metro sa YS-11EB electronic-intelligence aircraft ng Japan Air Self-Defense Force noong Miyerkules at Huwebes. Nangyari ito sa labas ng airspace ng Japan at walang nasira o nasaktan.
Wala pang opisyal na tugon mula sa China, ngunit dati nang inaakusahan ng Beijing ang Japan ng pagmamanman sa kanilang regular na military activity at humihiling na itigil ito.
Nagpahayag ng seryosong pag-aalala si Vice Minister Takehiro Funakoshi sa Chinese Ambassador sa Japan na si Wu Jianghao, at nanawagan na itigil ng China ang mga aksyon na maaaring magdulot ng banggaan.
Una rito nagpalitan din ng akusasyon ang dalawang bansa noong nakaraang buwan matapos magreklamo ang Japan na isang Chinese combat aircraft ang lumapit nang sobra sa kanilang P-3C surveillance plane sa Pacific Ocean, kung saan namataan din ang sabay na operasyon ng dalawang Chinese aircraft carriers.