Inakusahan ni Janus del Prado si Awra Briguela na sinasaktan ang buong gay community dahil umano sa kanyang pagsulong sa paggamit ng tamang pronouns, ilang araw matapos itong mag-reshare ng isang post tungkol sa kahalagahan ng pagrespeto sa mga pronouns.
Sa isang mahabang post sa Facebook noong Hulyo 19, sinabi ni del Prado na dahil sa “entitlement” ni Briguela, unti-unting nagkakaroon ng pagbatikos ang mga tao laban sa buong gay community. Binanggit niya rin na nakasisilaw umano ang adbokasiya ni Briguela sa mga tunay na kababaihan at sa kanilang mga karanasan.
Sinabi rin ni del Prado na hindi naman talaga naaapi si Briguela at ang mga “gender alphabet” at naki-uso lamang aniya ang bansa mula sa mga bansang Kanluranin na ngayon ay nagsisimulang tanggihan ang ideolohiyang ito dahil umano sa mga negatibong epekto nito sa iba’t ibang aspeto ng lipunan.
Aniya, “Hindi ka naaapi, nakigaya lang tayo sa uso ng US at ibang Western countries tungkol sa gender alphabet at neo pronouns.”
Bagamat sinabing ayos lang kung gustong tawaging “she” o “her” ni Briguela ang sarili, hinimok niya ang aktres na huwag pilitin ang lahat na tanggapin ito dahil may kanya-kanyang paniniwala ang bawat isa.
Nilinaw din ni del Prado na maraming Pilipino ang nakararamdam na ng “trans fatigue,” o pagod sa patuloy na pakikitungo at pag-aadjust sa mga bagong gender pronouns.
Pinaalalahanan niya rin ang LGBTQIA+ community na huwag suportahan ang mga miyembrong lumilihis sa kanilang pananaw na makasasakit sa komunidad.