-- Advertisements --

Naglabas ng open letter ang dating child star na si Awra Briguela tungkol sa mga isyung kinasangkutan nito.

Una itong humingi ng tawad sa kaniyang pamilya dahil mas pinili niya raw na magpakasaya at takbuhan ang kanilang problema imbis na pag-usapan at ayusin ito.

Inamin ni Awra na nagbago at nag-iba ang ugali niya pero pipilitin niya raw na maging mabuti at susubukan na niyang ayusin ang kaniyang mga desisyon sa buhay. 

Humiling din ang aktor na sana’y huwag magsawa ang kaniyang pamilya na bigyan siya ng pagkakataon na bumawi sa lahat ng kaniyang pagkakamali.

Hindi naman nabanggit ni Awra ang insidenteng kinasangkutan niya sa isang club sa Makati ngunit humingi ito ng tawad sa mga taong sangkot na hindi na niya pinangalanan. 

Ayon sa aktor, nasa mabuting kalagayan na sila ng mga ito at naayos na rin nang pribado ang gusot na kanilang kinasasangkutan. 

Nagpasalamat din si Awra sa mga ito dahil binigyan umano siya ng pagkakataong humingi ng tawad na tinanggap naman ng mga taong sangkot sa gulo. 

Kung matatandaan, nakulong si Awra noong Hunyo 2023 matapos ang gulo sa isang club sa Makati ngunit nakalaya rin makaraan ang ilang araw matapos makapag-piyansa.