-- Advertisements --

Inalay ni Awra Briguela ang kanyang pinakabagong academic achievement kay Vice Ganda, na aniya’y hindi lang nagpaaral sa kanya kundi patuloy na naniwala sa kanyang kakayahan.

Sa isang Instagram post nitong Hulyo 11, ipinakita ni Awra ang kanyang report card.

“Iba ang fulfillment kapag naipapakita mo ang grades mo sa taong nagpaaral sa’yo at patuloy na naniwala kahit sa mga panahong nagduda ka sa sarili mo. This is all for you.”

Ginawaran din si Awra ng Principal’s Choice Award mula sa University of the East Basic Education Department para sa kanyang mahalagang ambag sa pagpapalaganap ng unibersidad sa social media.

Pinamamahalaan siya ngayon ni Vice Ganda, na matagal na ring sumusuporta sa kanya. Noong nakaraang taon, nangako si Awra na pagsusumikapang mapasaya at mapagmalaki si Vice, bilang pasasalamat sa pagmamahal at suporta lalo na sa mga oras ng mga pagsubok.

Matatandaang nasangkot si Awra sa isang gulo sa bar sa Makati noong Hunyo 2023, kung saan siya ay pansamantalang nakulong. Sinabi noon ni Vice Ganda na patuloy niyang ginagabayan si Awra, na nananatiling bahagi ng kanyang talent roster.

Noong nakaraang taon din, pinuri si Awra sa katapangan nitong manindigan laban sa gender discrimination, matapos isuot ang uniporme ng mga babae sa paaralan.