-- Advertisements --

Nagbigay ng pahayag si Janice de Belen hinggil sa mga espekulasyong nag-uugnay sa kanyang anak na si Kaila Estrada at ang aktor na si Daniel Padilla.

Sa isang panayam na kumalat sa social media, sinabi ni Janice na bilang isang magulang, likas ang pagiging “over-protective,” ngunit mahalaga rin aniya na mabigyan ng kalayaan ang mga anak na nasa tamang edad upang maranasan ang mga bagay sa buhay.

“Mahalin natin sila at patuloy na gabayan, pero dumarating ang panahon na kailangan natin pagkatiwalaan sila na kaya nilang magdesisyon para sa kanilang sarili,” ani Janice.

Pinili ni Janice na manatiling neutral kaugnay sa mga viral na larawan at video nina Kaila at Daniel na nagpakita sa kanila na magkasama sa isang concert. Sa halip na magbigay ng pahayag tungkol dito, hinayaan na lamang ni Janice ang publiko na magbigay ng kanilang sariling interpretasyon sa mga kumakalat na larawan.

Ang mga pahayag ni Janice ay nagdulot ng iba’t ibang reaksyon online. May mga netizens na inisip na ito’y isang kumpirmasyon ng relasyon nina Kaila at Daniel, habang may ilan namang nagsabing opinyon lang ito ng isang ina na nagmamahal at nag-aalala sa kanyang anak.

Matatandaang nagsimulang kumalat ang mga espekulasyon nang makita ang dalawa na magkasama sa isang concert. Gayunpaman, wala pang direktang kumpirmasyon mula kina Kaila at Daniel hinggil sa tunay nilang relasyon. Nauna na ring humiling si Daniel Padilla ng privacy at hinikayat ang publiko na huwag muna magbigay ng mga haka-haka.