“Misunderstandings”.
‘Yan ang paliwanag ng kumpanyang Impact Hub Manila na nasa likod ng PiliPinas Debate 2022: The Turning Point hinggil sa isyu na kinasasangkutan nito ngayon.
Sa isang statement ay sinabi nito na nagkaroon daw ng umano’y hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila at ng Sofitel Garden Plaza, na ginamit bilang official venue ng mga presidential at vice-presidential debates ng Commission on Elections (Comelec).
Nagkaroon daw kasi ng private deal sa pagitan ng dalawang kumpanya upang magbigay ng logistics at technical support para sa naturang debate kung saan nagkaroon naman daw sila ng ilang misundertanding dito.
Anila, sa ngayon ay iiwasan muna nilang isapubliko ang ilang mga detalye ukol dito habang kumakalap pa sila ng mga impormasyon tungkol naman sa posibleng naging sanhi ng naturang miscommunication.
Nangako rin ito na sisikapin nila na pribadong talakayin ang naturang usapin sa Sofitel at maging sa iba pang mga stakeholders nito.
Samantala, iginiit naman ng debate contractor na walang kinalaman ang Comelec sa kontratang napagkasunduan ng Impact Hub at ng Sofitel.
Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa Komisyon sa ibinigay nitong oportunidad na maisagawa ang unang tatlong debate na ginanap mula pa noong nakaraang buwan.
Magugunita na una rito ay ipinahayag na rin ni Comelec spokesperson James Jimenez na pinagpapaliwanag siya ngayon ng poll body hinggil sa nasabing usapin.