Nagpalaya ang Israeli military ng sampung Palestinian na lalaking bilanggo matapos ang ilang buwang pagkakakulong.
Ikinuwento ng mga ito ang matinding pang-aabuso at pagpapahirap na naranasan sa loob ng kulungan.
Ang mga dating bilanggo ay sinalubong ng kanilang mga pamilya sa isang ospital sa Deir al-Balah.
Ayon sa kanila, sila ay hinuli sa northern Gaza at ikinulong sa Sde Teiman, isang military detention facility na iniulat na kilala umano sa ‘di tamang pagtrato pagdating sa mga bilanggong Palestino.
Isa sa mga pinalaya, si Fayez Ayoub, na halos hindi makalakad at ikinuwento ang 156 araw ng “paghihirap at pagdurusa.” Ayon sa kanyang anak, siya ay kinuha ng mga sundalo habang nagpapagaling pa mula sa pinsala dulot ng airstrike.
‘156 days have passed with us in agony. We are tortured and in pain,’ wika ni Ayoub.
Isa pang detainee ang pinalaya na kinilalang si Hani Abu Sharif, kung saan inilahad nito ang mga karanasan, naryan nang sila umano ay pinapalo, pinaghubad, at pinatatayo ng matagal na walang tsinelas sa paa, habang madalang lamang makaligo.
Wala pang opisyal na pahayag ang Israeli military ngunit dati nang iginiit ng mga awtoridad na sinusunod nila ang batas sa pagtrato sa mga bilanggo.
Ayon sa mga ulat, mahigit 61 Palestino na ang namatay sa Israeli detention mula nang magsimula ang giyera noong Oktubre 2023. Marami ang nakakulong nang walang kaso o paglilitis.
Ang pagpapalaya nitong Huwebes ay ang una mula nang ipagpatuloy ng Israel ang opensiba sa Gaza noong kalagitnaan ng Marso, 2025 matapos hindi matuloy ang pansamantalang tigil-putukan.