-- Advertisements --

Kinumpirma ng Israeli military na nawasak nila ang underground infrastructure ng grupong Hezbollah sa isang village sa southern Lebanon.

Ito ay batay sa joint statament na inisyu nina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Defense Minister Israel Katz.

Ipinaalam umano ng Israel sa Estados Unidos ang pag-atake bago ito isinagawa. Tinarget dito ang isang tunnel na may habang 200 metro o 656 talampakan sa Majdal Zoun town.

Inilunsad ang pag-atake dalawang araw lamang matapos magkasundo ang Lebanon at Israel sa isang security arrangement na inareglo ng Amerika, na naglalayong mapahupa ang kaguluhan sa border.

Sinabi naman ng Israel na ang naturang tunnel ay naglalaman umano ng daan-daang armas at launchers.

Tinawag naman ng Hezbollah ang pag-atake ng Israel bilang isang garapal na paglabag ng ceasefire at iginiit na masusi nilang binabantayan ang lahat ng mga paglabag at nakahandang depensahan ang kanilang sariling bayan at mamamayan.

Mariing tinututulan din ni Hezbollah leader Naim Qassem ang security agreement, na aniya’y pagsuko sa Israel at iginiit na ipagpapatuloy nila ang armadong paglaban.