Nag-walkout ang delegasyon ng Iran mula sa venue ng negosasyon sa Switzerland, na naglalayong wakasan ang digmaan sa Middle East, matapos magbanta ng pag-atake si US President Donald Trump laban sa Islamic Republic dahil sa suporta nito sa grupong Hezbollah sa Lebanon.
Ayon sa ulat ng Iran state media (IRNA), lumabas ang delegasyon ng Iran sa Bürgenstock Resort matapos ang kanilang pakikipagpulong sa delegasyon ng Qatar na nagsisilbing isa sa mga tagapamagitan.
Kasabay nito, nag-post din si Trump sa X (dating Twitter) upang ulitin ang kaniyang mga babala at pahayag laban sa Iran.
Sa kabila ng insidente, binigyang-diin ng isang diplomat na may kaalaman sa mga pag-uusap na hindi pa lubusang sumusuko ang panig ng Iran sa mga negosasyon at nananatili pa rin silang “engaged.”
Nauna nang nagbanta si Trump na aatakehin ang Iran kung hindi nito agad pipigilan ang tinawag niyang mga bayarang “proxies” sa Lebanon na gumagawa ng kaguluhan.
Agad naman itong tinugunan ng Islamic Republic. Ayon kay Mohammad Bagher Ghalibaf, ang chief negotiator ng Iran, makabubuting mag-ingat ang US sa mga pahayag nito dahil handa ang kanilang sandatahang lakas na tumugon sa ibang pamamaraan.
Samantala, ayon sa isang senior US diplomat, inaasahang ipagpapatuloy ang mga negosasyon sa pagitan ng US at Iran gabi nitong Lunes.
Sinimulan ang US-Iran talks noong Linggo, matapos ang kasunduan ng dalawang panig noong nakaraang linggo na magkaroon ng deal sa loob ng 60 araw para waksan na ang giyera sa Middle East.
















