-- Advertisements --

Lumagda sa isang framework agreement ang Israel at Lebanon sa Washington, D.C., kasunod ng ilang araw na negosasyon upang wakasan ang labanan sa pagitan ng militar ng Israel at ng grupong Hezbollah.

Pumirma sa naturang trilateral document sina Lebanese Ambassador Nada Moawad at ang kaniyang Israeli counterpart na si Yechiel Leiter, kasama ang kinatawan ng United States sa State Department.

Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, nakasaad sa kasunduan na pahihintulutan ang pwersa ng Israel na ipagpatuloy ang pag-okupa sa timog na bahagi ng Lebanon sakaling mabigo ang Hezbollah na magdis-arma.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni US Secretary of State Marco Rubio na tutulong ang Amerika sa pagpapatupad ng kasunduan sa pamamagitan ng isang Trilateral Military Coordination Group for Lebanon. Maglalaan din ang US ng mga resources, kabilang ang agarang pagbibigay ng $100 milyong halaga ng humanitarian assistance sa pakikipagtulungan sa United Nations (UN).

Samantala, tinawag ni Lebanese Amb. Moawad ang kasunduan bilang unang mahalagang hakbang tungo sa muling pagbuhay sa soberanya ng Lebanon.

Matatandaang sumiklab ang matinding labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah nang magpaputok ng mga rocket ang armadong grupo sa Israel noong Marso 2, ilang araw matapos salakayin ng US at Israel ang Iran. Ang mga pag-atakeng ito ng Hezbollah ay ginantihan ng Israel ng malawakang air at ground attacks na kumitil sa mahigit 4,000 buhay sa Lebanon at nagbunsod sa paglikas ng mahigit isang milyong residente.